MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan ng Makabayan bloc ang umano’y “signature-buying” at paggamit ng pondo ng gobyerno sa isinusulong na People’s Initiative para sa pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Sa House Resolution 1541, hiniling nina House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro, Kabataan Rep. Raoul Manuel at Gabriela Rep. Arlene Brosas na pangunahan ng House Committee on Public Accounts ang isasagawang imbestigasyon.
Batay sa pahayag ni Castro, marami na silang natatanggap na report tungkol sa panloloko sa pagpapapirma para sa pekeng people’s initiative para sa Charter change.
Nakasaad ang ulat hinggil sa vote buying kung saan magkasama umanong pagbobotohan ito ng Kongreso at Senado upang maamyendahan ang Konstitusiyon.
Iginiit ng mga mambabatas sa resolusyon na hindi lamang unconstitutional kundi immoral din ang paggamit ng pondo ng social protection program at iba pang pondo ng gobyerno para suhulan ang publiko na pumirma sa panukalang pagbabago sa Konstitusyon.
Binanggit din sa resolusyon ang pro-charter change paid advertisement na tinawag na “Edsa-pwera” na ipinalabas na sa telebisyon.
Matatandaang sinabi ni Sen. Imee Marcos ang umano’y pagbibigay ng ?20 million kada distrito sa ilang lalawigan para sa “signature buying”.