MANILA, Philippines — Plano ng Department of Agriculture (DA) na magpatupad ng suggested retail prices (SRPs) sa bigas upang matiyak na may bigas na makakain ang lahat ng sambayanang Pilipino sa abot kayang presyo ng produkto.
Gayunman, sinabi ni DA Asst Secretary at spokesman Arnel de Mesa na upang maipatupad ang hakbang ay kailangan muna nilang kumonsulta sa lahat ng mga stakeholders mula sa consumer groups, producer groups, traders at millers upang maitakda ang SRP.
Ang pahayag ay ginawa ng DA nang ianunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na may pagtaas sa presyo ng bigas ng may 22.9 percent noong Disyembre 2023, ang pinaka mabilis na pagsirit ng presyo sa nakalipas na 14 na taon.
Kailangan nating tignan ‘yung composition sa producers group, paano na produce ‘yung palay hanggang sa maging bigas. And then, on the traders side, ano mga gastusin nila sa warehousing, sa milling, sa drying. Sa retailers naman, magkano ‘yung kanilang mga gastusin din po, at maikumpara, at sa ganoong paraan, makikita po ang magiging gains ng SRP,” pahayag ni De Mesa.
Noong Disyembre 2023, ang presyo ng well-milled rice kada kilo ay pumalo sa P53.82, mas mataas ito sa P51.99 per kilo noong November 2023 o halos mataas ng P10 kung ikukumpara sa P43.98 kada kilo ng bigas noong December 2022.