Babae mula Central Luzon nabingi sa kwitis; biktima ng paputok 96 na
MANILA, Philippines — Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa posibleng pagkabingi dulot ng paputok ngayong Bagong Taon matapos mawala ang pandinig ng isang 23-anyos mula Region 3.
Ibinalita ito ng DOH matapos sumirit sa 96 ang bilang ng fireworks-related injuries sa buong bansa ngayong Biyernes, tatlong araw bago ang Bagong Taon.
"Kasama sa mga bagong kaso ang unang kaso ngayong taon ng pagkawala ng pandinig dahil sa paputok," wika ng Kagawaran ng Kalusugan ngayong araw.
"Isang 23 taong gulang na babae mula sa Central Luzon ang nakaranas ng pagkawala ng pandinig pagkatapos ng passive exposure sa kwitis (sky rocket)."
Narito ang itsura ng walong panibagong kaso ng FWRIs batay sa pagmamasid ng gobyerno mula Huwebes hanggang ngayong madaling araw:
- lalaki: 7
- babae: 1
- pinakabata: 5-anyos
- pinakamatanda: 49-anyos
- dahil sa iligal na paputok: 6
- may aktibong pakikilahok: 6
Karamihan sa mga nadisgrasya ng paputok sa ngayon ay nagmula sa mga sumusunod na lugar:
- Metro Manila: 34%
- Central Luzon: 12%
- Ilocos Region: 12%
- Soccsksargen: 6%
- Bicol Region: 5%
- Western Visayas: 5%
60% ng nakadidisgrasya iligal na paputok
Lumalabas na 96% sa mga nadali ng paputok ay nabiktima sa bahay at mga lansangan.
Pinakamadalas na makaaksidente ang mga sumusunod na paputok, 60% dito ay iligal:
- 5-star
- kwitis
- piccolo
- pla-pla
- whistle bomb
- luces
"Pinakamahusay pa rin na manood ng mga community fireworks display mula sa isang ligtas na distansya," dagdag pa ng DOH.
"Kung hindi maiiwasan ang pagkakalantad sa mga paputok at ang malalakas na tunog ng mga ito, gumamit ng proteksyon sa pandinig tulad ng earplug o earmuff. Kung makaramdam ng anumang pananakit sa tainga, o paghiging sa iyong mga tainga, kausapin ang iyong doktor."
- Latest