'For the 3rd time': Marcos tinamaan uli ng COVID-19 pero tuloy sa trabaho
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Malacañang na ia-isolate si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ng limang araw matapos uling mahawaan ng COVID-19 — gayunpaman, 'di raw niya iiwanan ang mga responsibilidad.
Ibinahagi ng Presidential Communications Office ang balita, Lunes, matapos magpositibo ni Marcos sa COVID-19 test, dahilan para irekomenda ng mga doktor na mawala nang ilang araw ang presidente sa mata ng publiko.
"The President remains fit to carry out his duties and will be continuing his scheduled meetings via teleconference," wika ng Palasyo.
"Updates on his health will be provided as available."
Ito na ang ikatlong beses na tamaan ng COVID-19 si Marcos. Ang sakit ay sinasabing mas peligroso sa mga senior citizen gaya ng presidente lalo na't 66 anyos na siya.
Marso 2020 nang unang tamaan ng COVID-19 si Marcos matapos sumama ang pakiramdam pagkagaling ng Espanya.
Hulyo 2022 naman nang ibalitang nagpositibo uli siya matapos sumailalim sa isang antigen test.
"During this holiday season, President Marcos encourages the public to take precautions to safeguard their health, such as vaccinating and voluntary mask-wearing when entering crowded places," dagdag ng PCO.
Umabot na sa 4.12 milyon ang nadadali ng COVID-19 simula nang makapasok ito ng Pilipinas noong 2020. Sa bilang na 'yan, patay na ang 66,766.
Ayon sa Department of Health, 3,311 dito ay aktibong kaso pa rin hanggang ngayon. Kahapon lang nang madagdagan ito ng 204 karagdagang mga kaso.
- Latest