MANILA, Philippines — Pinayagan na ng Muntinlupa regional trial court na makapagpiyansa si dating senadora Leila de Lima matapos ang halos pitong taong pagkakakulong dahil sa mga kasong may kaugnayan sa droga.
Sa pagdinig nitong Lunes, Nobyembre 13, 2023 sa natitirang kasong may kaugnayan sa droga, pinayagan ni Judge Gener Gito ang mosyon ng senadora na makapaglagak ng piyansa. Si Judge Gito ang bagong hukom na may hawak ng kaso.
Una nang ibinasura ni Judge Romeo Buenaventura ang petition for bail na inihain ni De Lima.
Itinakda ang piyansa sa halagang P300,000.
Una nang napawalang-sala sa dalawa niyang kaso si De Lima.
Inaresto si De Lima noong Pebrero 24, 2017 dahil sa mga drug-related charges na nag-ugat sa aktibidad ng mga drug lord sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) noong 2021 at 2022 nang siya pa ang kalihim ng DOJ.
Ayon sa legal counsel ni De Lima na si Atty. Filibon Tacardon, nakuha na nila ang release order mula sa korte.
Tiniyak naman ng Philippine National Police (PNP) na daraan pa sa proseso bago tuluyang palayain si De Lima.
Sinabi ni PNP Public Information Office chief Police Col. Jean Fajardo, sinabi nito na hinihintay nila ang kautusan ng Muntinlupa RTC para sa pagpapalaya sa dating senadora.
Sa sandaling matanggap na ng PNP Headquarters Support Service sa Camp Crame ang Court Order, agad itong sasailalim sa medical procedures at debriefing saka ite-turnover sa kanyang pamilya o sa kanyang abugado.
Halos 7 taon ding nakulong si De Lima sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.