MANILA, Philippines — Umaabot sa 64,635 examinees ang pumasa sa Career Service Examination-Pen and Paper Test (CSE-PPT) na ginanap noong Agosto 20, 2023 sa 95 testing centers sa buong bansa.
Ayon sa Civil Service Commission, ito ay katumbas ng 18.72% pass rate sa 345,194 indibidwal na kumuha ng pagsusulit.
Sa kabuuang mga pumasa, 56,942 examinees ang nakatapos sa Professional Level at bibigyan ng Career Service Professional Eligibility, habang 7,693 ang Subprofessional Level at makakakuha ng Career Service Subprofessional Eligibility.
“I am proud to welcome all passers to the roster of civil service eligibles. You have hurdled the first and most basic step toward building a life in public service. I hope that you will soon find the opportunity to become a civil servant and share your strengths, your passion, and your motivation for helping Filipinos,” pahayag ng pagbati ni CSC Chairperson Karlo Alexei Nograles.
Ang National Capital Region ang nakakuha ng pinakamataas na passing rate na 26.03% o 12,548 pumasa sa 48,203 examinees. Sumunod ang Region III (Central Luzon) na may 22.50% o 5,452 na pumasa sa 24,231 examinees, at Cordillera Administrative Region na 21.28% o 3,029 na pumasa sa 14,235 examinees.
Maaaring makita ang List of Passers ng Agosto 20, 2023 CSE-PPT sa pamamagitan ng Examination Results widget na makikita sa kaliwang bahagi ng website ng CSC. Bukod dito, ang mga examinees ay maaaring direktang pumunta sa CSC Examination Portal upang tingnan ang mga resulta.
Ang Professional Eligibility ay kwalipikado ang bawat indibidwal upang makakuha ng permanenteng appointment sa parehong unang antas (clerical) at pangalawang antas (technical) na mga posisyon sa loob ng career service na hindi kasangkot sa pagsasanay ng propesyon at hindi saklaw ng bar, board at iba pang mga batas. Ang Subprofessional Eligibility ay angkop lamang para sa mga posisyon sa unang antas.