MANILA, Philippines — Kinuwestyon ni Sen. Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, ang naantalang disbursement ng health emergency allowance at binigyang-diin ang kahalagahan nito sa pagbibigay ng agarang tulong pinansyal sa healthcare frontliners.
“Sa pag-iikot ko po ng bansa, may lumalapit sakin at ipinaparating na, ‘Sir, ‘yung aming HEA (health emergency allowance) ay hindi pa nila nababayaran, hindi pa namin natatanggap.’ Parati nating sinasabi na sila ang ating hero noong pandemya at hindi natin mararating ito kung hindi po dahil sa kanila,” banggit ni Go sa sesyon ng plenaryo ng Senado noong Miyerkules.
Ang pagtatanong ni Go ay dahil naglaan ang pamahalaan ng malaking halaga na P19.962 bilyon para sa mga benepisyo at allowance sa emerhensiyang pangkalusugan ng publiko sa 2023 pambansang badyet. Saklaw nito ang healthcare at non-healthcare workers. Higit pa rito, ang karagdagang P52.962 bilyon unprogrammed fund para sa potensyal na kompensasyon ng mga propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan.
Sinabi ni Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara na P19.6 bilyon na ang nai-disburse mula sa programmed funds, habang may karagdagang P4 billion na inilaan mula sa unprogrammed funds.
Binigyang-diin ni Go na ang mga frontliner na ito ay nagkaroon ng iba’t ibang gastusin sa linya ng tungkulin, kadalasan sa malaking personal na gastos. Ang pagkaantala o hindi sapat na pagbabayad ng allowance ay magpapalubha lamang sa mga paghihirap na kanilang kinakaharap at sa pakiramdam na hindi sila suportado ng pamahalaan.