Electioneering, partisan political activities bawal

Ayon sa CSC, bawal makilahok ang mga empleyado ng gobyerno habang nagsasagawa ng pangangampanya ang mga kandidato sa pagitan ng Oktubre 19-28, 2023.
STAR/File

CSC sa government employees

MANILA, Philippines — Buong higpit na pinaalalahanan ng Civil Service Commission (CSC) ang nasa 1.9 ­milyong empleyado ng gobyerno sa buong bansa na iwasang makilahok sa anumang aktibidades ng mga kandidato kaugnay ng gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Oktubre 30, 2023.

Ayon sa CSC, bawal makilahok ang mga empleyado ng gobyerno habang nagsasagawa ng pangangampanya ang mga kandidato sa pagitan ng Oktubre 19-28, 2023.

Sinabi ng CSC na ang electioneering at partisan political activity ay tumutukoy sa mga gawaing idinisenyo upang isulong ang halalan o pagkatalo ng isang partikular na kandidato o partido sa public office. Binanggit ng CSC na ang 1987 Constitution ay nag-uutos na walang opisyal o em­pleyado sa serbisyong sibil ang makisangkot, direkta o hindi direkta, sa mga gawaing ito.

Ayon kay CSC Chairperson Karlo Alexei Nograles, saklaw ng kautusan ang mga mi­yembro ng serbisyong sibil, permanente man, pansamantala, kontraktwal, o kaswal, na nagtatrabaho sa lahat ng sangay, ­subdibisyon, instrumentalidad, at ahensya ng gobyerno ng Pilipinas; mga career officers na may hawak na mga political offices mapa-acting man o officer-in-charge (OIC); nakaunipormeng miyembro ng security forces.

Hinggil naman sa paggamit ng social media, ang mga manggagawa ng gobyerno ay maaaring mag-repost, magbahagi, mag-like, magkomento, o mag-follow sa account ng isang kandidato o partido hangga’t hindi sila tahasang humihingi ng suporta para o laban sa isang kandidato o partido sa panahon ng kampanya. Idinagdag pa dito na mahaharap sa kaukulang kaparusahan ang susuway sa kautusan.

Show comments