Guro na nanampal ng estudyante ‘di na kakasuhan ng homicide
MANILA, Philippines — Hindi na umano sasampahan ng Antipolo City Police ng kasong homicide ang isang guro na nanampal sa kanyang estudyante, na malaunan ay binawian ng buhay.
Ito’y matapos na lumitaw sa isinagawang pagsusuri ng mga forensic experts na walang kinalaman sa pagkamatay ng Grade 5 student na si Francis Jay Gumikib, 14, ang ginawang pananampal sa kanya ng kanyang guro sa loob ng kanilang silid-aralan noong Setyembre 20, matapos lamang nitong isumbong ang pag-iingay ng kanyang mga kaklase.
Anang pulisya, ipinaliwanag na rin ng mga eksperto sa pamilya ni Gumikib ang resulta ng ginawa nilang pagsusuri sa mga labi ng binatilyo.
Nilinaw naman ng pulisya na bagamat hindi na kakasuhan ng homicide, ikinukonsidera pa rin nilang sampahan ang guro ng kasong child abuse dahil sa umano’y ginawang pananakit sa estudyante.
Una nang sinabi ng PNP Forensic Group na isang rare condition ang dahilan kaya nagdugo ang utak ng binatilyo na dahilan ng kaniyang pagpanaw.
- Latest