MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pagkabahala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command (WESCOM) sa pagdami ng Chinese fishing vessel sa iba’t ibang bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon sa WESCOM, mayroong implikasyon sa maritime security, fisheries conservation, territorial integrity, at preservation ng marine environment ang presensya ng mga barkong pangisda ng China.
Sinabi ng WESCOM na nakakabahala ang mistulang “resurgence” ng aktibidad ng China sa pinag-aagawang karagatan.
Base sa aerial reconnaissance ng WESCOM noong Setyembre 6 at 7, 30 Chinese vessels ang kanilang namataan.
Nasa 23 dito ay nasa Iroquois Reef, lima sa Sabina Shoal, at dalawa sa Nares Bank.
Tiniyak ng AFP na aalma sila kung kinakailangan sakaling magsagawa ng anumang uri ng harassment ang China.