MANILA, Philippines — Tatlong mga bagong batas ang pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa mga beterano, mga maliliit na negosyante at pagpapalakas sa proteksyon ng yamang kultura.
Ang mga bagong batas ay ang Republic Act. No. 11958 na nagtataas sa pension ng mga beterano.
Sa ilalim ng RA 11959, ang mga beterano na disabled, nagkasakit o nasugatan habang tumutupad sa kanilang tungkulin ay bibigyan ng P4,500 mula sa kasalukuyang P1,000.
Habang ang mga beterano naman na nakakatanggap ng P1,700 ay makakatanggap ng P10,000 o itinaas ng P8,300 habang ang P500 kada buwan na pensyon para sa kanilang mga asawa at bawat isang menor de edad na anak ay madadagdagan din ng P1,000.
Isa pang pinirmahang batas ng Pangulo ay ang Republic Act 11960 na magtatatag sa One Town One Product (OTOP) sa mga programa ng Pilipinas at maglalaan ang gobyerno ng pondo upang magpatuloy ito at mai-promote ang produkto ng bawat bayan o rehiyon sa bansa at magpapalakas sa ekonomiya.
Isa sa layunin ng batas ay mabigyan ng suporta ang mga maliliit na negosyante o ang mga tinatawag na micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Pinirmahan din ng Pangulo ang Republic Act 11961 o An Act Strengthening the Conservation and Protection of Philippine Cultural Heritage.
Nilagdaan naman ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang transmittal letter na nagbibigay ng abiso sa dalawang Kapulungan ng Kongreso na aprubado na ni Pangulong Marcos ang nasabing mga bagong batas.