Layon ng Super Health Centers: Maagang pagtuklas sa sakit, libreng konsultasyon
MANILA, Philippines — Layon ng pagtatatayo ng Super Health Centers (SHCs) ang maagang pagtuklas sa mga sakit, at libreng konsultasyon para sa naninirahan sa mga liblib na lugar sa bansa, ayon kay Senador Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health.
Bukod dito, sinabi ni Go na pinadadali rin ng SHCs ang access ng mga Pilipino sa serbisyong pangkalusugan na inaalok ng gobyerno.
Ang SHCs ay medium na bersyon ng isang polyclinic at mas pinahusay na bersyon ng isang rural health unit.
Isinulong ni Go ang pagtatayo ng mga naturang center sa panahon ng administrasyong Duterte at patuloy na sinusuportahan ang pagpopondo nito upang mailapit sa mga tao ang serbisyong medikal mula sa pamahalaan.
“Ang mga buntis, nanganganak na lang sa tricycle, sa jeepney dahil napakalayo po ng mga ospital,” ani Go dahil sa kawalan ng access sa healthcare facilities ng mga 4th class, 5th class, at 6th class municipalities na naglalagay sa marami nating kababayan sa desperadong sitwasyon.
Ayon kay Go, aabot sa 629 SHCs ang itatayo sa buong bansa ngayong 2023.
Binigyang-diin niya ang paglalagay ng SHCs lalo sa mahihirap na puntahang lugar upang mas maagang matuklasan ang mga may sakit sa pamamagitan ng libreng konsultasyon at mapangalagaan ang kanilang kalusugan.
- Latest