MANILA, Philippines — Dahil sa hindi pagsipot sa pagdinig, ipina-subpoena ng House Committee on public accounts ang tatlong supplier ng lokal na pamahalaan ng Mexico Pampanga kaugnay sa umano’y P149 milyon kwestyunableng transaksyon.
Ipinag-utos ni Abang Lingkod partylist Rep. Joseph Stephen Paduano, chairman ng komite na isubpoena sina Aedy Tai Yang, Rizalito Dizon at Roberto Tugade na kinatigan naman ng mga miyembro ng komite na sina Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel at Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. Ang mosyon sa pagpapalabas ng subpoena ay nag-ugat sa ilang ulit na hindi pagdalo ng tatlo sa pagdinig ng komite na nag-iimbestiga sa kanilang transaksyon sa lokal na pamahalaan ng Mexico.
Sina Dizon at Tugade ay equipment at medical supplier samantalang si Yang ang nagbenta umano sa Mexico municipal government ng isang hektaryang lupa na tatayuan ng municipal hall sa halagang P2,950 kada metro kuwadrado.
Noong Agosto 2 ay hindi nakadalo si Yang sa pagdinig at noong Miyerkoles ay hindi ito muling dumalo kaya hiningi ni Paduano ang tulong ng PNP sa Pampanga para mahanap ang tatlo. Base sa ulat ang lupang ibinenta ni Yang at ang 1.8 hektarya na binili ng munisipyo mula sa mag-asawang Arnel at Sonia Pangilinan sa Barangay San Antonio ay planong tayuan ng bagong munisipyo at convention center. Sa pagtatanong ni SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta sa pagdinig noong Miyerkoles, sinabi ng mag-asawang Pangilinan na binili nila ang lupa sa halagang P300 kada metro kuwadrado noong Hulyo 11, 2022 at ibinenta sa lokal na pamahalaan ng Mexico sa halagang P50,033,200 makalipas ang anim na buwan.