MANILA, Philippines — Pansamantalang ipinagbawal ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang pagpasok ng mga baboy o anumang karne mula sa lalawigan ng Bohol sa loob ng 60 araw.
Sa kanyang inilabas na Executive Order, sinabi ni Garcia na epektibo ang kautusan simula Agosto 8, Miyerkules matapos kumpirmahin ng Department of Agriculture (DA) ang presensya ng African Swine Fever (ASF) sa bayan ng Pilar, Bohol.
Ayon kay Garcia, layon ng EO na protektahan ang P11 bilyong halaga ng industriya ng baboy sa Cebu.
Sa panig naman ni Bohol Gov. Aris Aumentado, iginiit nito na na-contain na umano ang mga kaso ng African Swine Fever sa Pilar.
Nagpatupad na umano sila ng ilang mahigpit na biosecurity measures para mapigilan ang pagkalat ng sakit sa iba pang bayan at lungsod sa lalawigan.
Hindi pa umano nila matukoy ang pinagmulan ng sakit dahil ang Pilar ay matatagpuan malayo sa mga coastal borders ng lalawigan.
Nanawagan naman si Provincial Veterinarian Dr. Stella Marie Lapiz, lalo na sa mga lugar na malapit at nasa loob ng containment zone na iwasan ang pagpapakain ng mga tirang pagkain sa mga alagang baboy.