Bong Go: ‘Wag matakot kung walang itinatago
FOI Bill giit ipasa na
MANILA, Philippines — Inihayag ni Senador Christopher “Bong” Go na panahon na para maisabatas ang nakabinbing Freedom of Information (FOI) bill para patibayin ng gobyerno ng Pilipinas ang pangako nitong transparency at accountability sa buong burukrasya.
“Alam n’yo, it’s about time na magkaroon tayo ng Freedom of Information law mismo. Mayroon tayo ngayong Executive Order (EO) issued by former president Rodrigo Duterte, pero ang mga sakop nito ay taga-Executive Branch lamang,” ayon kay Go na tumutukoy sa EO No. 2 na inisyu ni Duterte noong 2016 na limitado lamang sa executive branch.
Binigyang-diin ni Go na ang pagpapatupad ng batas ng FOI ay magpapatibay sa transparency sa lahat ng sangay ng gobyerno.
Anya, napakahalaga ng naturang panukalang batas sa pagsugpo sa korapsyon at mga iregularidad sa mga tungkulin ng gobyerno.
“Kung mayroong transparency, mas maiiwasan natin ang korapsyon at katiwalian sa gobyerno,” anang senador.
“Wala naman tayong dapat ikatakot kung wala tayong itinatago,” idiniin ng mambabatas.
Maraming tumututol sa FOI bill kahit matagal na itong naipanukala dahil sa umano’y mga potensyal na paglabag sa personal na privacy. Kinikilala ni Go ang pag-aalalang ito at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng balanse sa pagitan ng transparency sa gobyerno at karapatan sa privacy.
- Latest