7 traffic enforcer na ‘adik’, sibak sa trabaho
MANILA, Philippines — Pitong traffic enforcers ang sinibak sa trabaho matapos magpositibo sa iligal na droga sa isinagawang ‘surprise drug test,’ nitong Lunes, Hulyo 10 sa Silay City.
Ayon kay Silay City Mayor Joedith Gallego, hindi na papangalanan ang mga ito at agad na tatanggalin sa trabaho upang hindi na makaimpluwensiya pa ng kanilang kasamahan.
Sinabi ni Gallego na layon ng surprise drug test na malaman kung sino sa mga empleyado ng city hall ang gumagamit ng illegal drugs.
Nabatid na nakipag-ugnayan si Gallego sa Silay City Police Station at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 6 para isagawa ang surprise drug testing.
Unang isinailalim ang mga tauhan ng Silay City Traffic Enforcer at 7 ang nagpositibo sa kanila kung saan agad na inalis ang mga ito sa kanilang serbisyo.
Sunod naman sumailalim sa drug testing ang nasa 500 kawani ng pamahalaan lungsod mula sa iba’t ibang tanggapan at hinihintay na lamang ang resulta nito.
Nanawagan naman sa publiko ang alkalde na magtulungan sa pagsugpo kontra illegal na droga para sa kaligtasan ng bawat pamilya at sa mga taong nakapaligid.
- Latest