P40 dagdag sa minimum wage sa NCR, aprub na!
MANILA, Philippines — Asahan na ng mga minimum wage earner ang umento sa sahod sa susunod na buwan matapos aprubahan ang P40.00 dagdag para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa Department of Labor of Employment (DOLE) nitong Huwebes, ang Regional Wage Board ng NCR ay naglabas ng Wage Order No. NCR-24 noong Hunyo 26, 2023 ukol sa nasabing pagtaas.
Sinabi ni DOLE-NCR Director Sarah Mirasol na inaprubahan ng Regional Tripartite Wage Productivity Board (RTWPB) ang bagong wage order na nagbibigay ng P40 arawang dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa rehiyon.
Dahil dito, aabot na sa P610 mula sa umiiral na P570 ang daily minimum wage rate sa rehiyon.
Sinabi ni Mirasol na sa Hulyo 16, 2023 ay epektibo na ito matapos pagtibayin ng National Wages and Productivity Commission ang wage order.
Sakop ng bagong wage order, ang mga manggagawa mula sa industriya ng agrikultura at hindi pang-agrikultura.
Ayon kay Mirasol, ibinase ng mga miyembro ng RTWPB ang kanilang desisyon na magbigay ng wage adjustment sa average na inflation rate.
Bukod sa kinatawan ng sektor ng paggawa, sinabi ni Mirasol na lahat ng iba pang limang miyembro ng RTWPB ay nagbigay ng kanilang pag-apruba sa bagong wage order.
Hindi naman aniya, sumang-ayon ang labor sector dahil sa mas mataas na hinihinging dagdag-sahod.
Gayunman, sinabi ni Mirasol na kailangan ding protektahan ang mga micro-industries na bumabawi pa rin mula sa epekto ng pandemya.
Mula naman sa P533 na arawang sahod ng mga nasa agriculture sector kasama na ang service establishment at mga nagtitinda ng tingian o retail na may 15 o mas mababa pang bilang ng empleyado ay tataas na ito sa P573.
Nasa 1.1 milyong minimum wage workers sa NCR ang direktang makikinabang sa dagdag sahod ayon sa DOLE.
Nasa 1.5 milyon full-time wage at salary workers na lagpas sa minimum ang makikinabang din, ayon sa DOLE sa inaasahang pagtatama sa pasahod.
Sa datos pa ng kagawaran, ang P40 na dagdag sa minimum wage ay katumbas ng 7% na pagtataas sa minimum na sahod na tinatanggap sa NCR.
- Latest