MANILA, Philippines — Kakaiba ang film festival ngayon sa Maynila na bahagi ng kanilang programa sa pagdiriwang ng Araw ng Maynila sa Hunyo 24 dahil tagisan ito ng mga college student na nangangarap maging filmmaker.
Ayon kay Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM) Director Charlie Dungo, pawang mga college students mula sa iba’t ibang unibersidad sa Maynila ang maglalaban.
Limang pelikula ang pasok sa film fest na kinabibilangan ng Adamson University na may film entry na CTRL-F- ESC ng Adamson University; Unspoken ng Arellano University-Pasig; Thanks for the Broken Heart ng University of Makati at Unibersidad ng Pilipinas; The Adventures of Kween Jhonabelle at Uncanny ng Colegio de San Juan de Letran.
Paliwanag ni Dungo, tuluy-tuloy ang pagdidiskubre ng mga bagong filmmaker upang tuluy-tuloy din ang pagbabahagi ng turismo, kultura at sining hindi lamang sa Lungsod ng Maynila kundi sa buong Pilipinas.
Sinabi naman ni Manila Vice Mayor Yul Servo Nieto, pagkakataon ito sa mga aspiring filmmaker na lumikha ng makabuluhan at napapanahong pelikula at pagpapakita ng kanilang galing at talento.
Ang mga nasabing pelikula ay mapapanood hanggang Hunyo 24 sa mga sinehan sa SM Manila.