MANILA, Philippines — Sumama na ang Makati Business Club (MBC) sa malawakang panawagan na ipasa na ang panukalang batas sa simple at mabisang pagbabayad ng buwis at magpapalago sa pagtupad nito ng mga Pilipino.
Kasabay nito, kinilala rin ng grupo ang mga pagsisikap ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, sa pagreporma sa ganoong mga batas.
“Ipinapanalangin namin na ang Kamara, Senado at Pangulong Marcos ay magkasundo at isabatas na ang EOPT (Ease of Paying Taxes) bill ngayong taon para maging simple at madali ang pagbabayad ng buwis, palaguin ang pagtupad nito, palakasin lalo ang pananalapi ng gobyerno at makatulong sa mga negosyo sa paglikha ng higit na kapaki-pakinabang na mga trabaho,” ayon sa MBC.
“Kinikilala rin namin ang lideratong ipinakikita ni Rep. Joey Salceda na siyang may-akda ng House Bill 4124 o EOPT, na ipinasa na ng Kamara noon pang Setyembre 2022. Masidhi naming inaamuki ang Senado at Kamara na magkaisa at aprubahan na ang panukalang batas,” dagdag ng MBC na pinasalamatan din ang Senate Ways and Means Committee na inaprubahan ang SB 2224, ang EOPT bersiyon nito.
Ipinaliwanag ng MBC na sa ilalim ng EOPT, magiging simple at madali ang pagbabayad ng buwis ng lahat, lalo na ng maliliit at katamtamang mga negosyo para makatulong sa pagpondo sa programa, serbisyo, mga imprastraktura ng gobyerno at pambansang seguridad. Bukod sa mga ito, malaki rin ang magagawa ng batas para maituon ng mga negosyo ang oras at pagsisikap nila sa paglikha ng mga trabaho at tulong sa pag-unlad ng pambansang ekonomiya.
Una nang nanawagan si Salceda sa mga senador na ipasa na ang mga prayoridad na panukalang batas ni Pangulong Marcos, kasama ang EOPT at Estate Tax Amnesty Extension bill (HB 7909) na siya rin ang may-akda.