Padilla gusto parusang bitay vs gov't officials na sangkot sa 'smuggling'
MANILA, Philippines — Parusang kamatayan ang itinutulak ngayon ni Sen. Robinhood Padilla laban sa mga kawani ng Customs, pulis, militar atbp. na masasangkot sa smuggling lalo na sa sektor ng agrikultura — ito lalo na't nakaaapekto raw ito sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Layon itong itulak ng senador sa pamamagitan ng kanyang Senate Bill 2214, na layong mag-amyenda sa Section 4 Republic Act 10845 Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.
"We have to send a strong message that the large-scale agricultural smuggling, hoarding, profiteering, and cartel of agricultural products perpetrated by the officers and employees of the Bureau of Customs, are heinous and a threat to the very foundation of our society," sabi ng senador kanina.
"Hence, there is a compelling reason to impose death penalty."
"Large-scale smuggling and other pernicious activities are threatening the lives of the people by pushing them further to the brink of poverty and putting our country in grave food insecurity."
Iligal na ipinapasok sa isang bansa ang mga produktong smuggled, at kadalasa'y hindi napapatawan ng gobyerno ng kaukulang buwis o taripa.
Minsan ay nagpupuslit din ng smuggled goods sa panahong may restriksyon o quota sa importasyon ng ilang produkto.
Teka, 'di ba walang bitay sa Pilipinas?
Dating may death penalty sa Pilipinas ngunit ibinasura ng Konggreso matapos ipasa ang Republic Act 9346 noong taong 2006.
Pinalitan na lang ng life imprisonment at reclusion perpetua ang mga krimen na dating pinapatawan ng bitay.
"Agricultural country tayo, sinasabing agricultural country tayo pero nag-i-import tayo, 'di ba nakakahiya yan? Law enforcement kayo. Pinamumugaran tayo ng smuggling. Sa tingin n'yo ba masaya ako na life imprisonment lang kayo?" sabi pa niya.
"Paano naman mawawala ang rebelde kung pinapahirapan naman natin ang magsasaka? Para tayong naglolokohan sa bansa na ito."
Si Padilla, na isang action-star-turned-senator, din ang naghain ng SB 2042 na layong magpataw ng parusang kamatayan sa mga security personnel na masasangkot sa murder.
Matagal nang nilalabanan ng human rights advocates ang pagbabalik ng bitay lalo na't hindi naman daw nito nasosolusyonan ang kriminalidad. Bagkos, posibleng mapatay pa raw ang mga inosenteng nahatulang guilty na walang access sa mahuhusay na abogado.
Lalabag ang Pilipinas sa dalawang international treaties, ang International Covenant on Civil and Political Rights at Second Optional Protocol to the ICCPR, kung maibabalik ang bitay sa Pilipinas. Niratipikahan ng bansa ang mga ito noong 1986 at 2007. — James Relativo
- Latest