Dela Rosa itinulak death penalty vs 'private armies' na gagawa ng krimen
MANILA, Philippines — Itinutulak ngayon ng isang senador ang limang panukalang batas at apat na policy reforms, ito matapos ang inisyal na imbestigasyon patungkol sa pagpatay kay dating Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Matatandaang idinidiin ngayon si Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. bilang "mastermind" sa pagpatay, ito habang nananawagan ngayon ang ilang senador na buwagin ang mga private armies. Ilan sa mga suspek sa pananambang ay mga dating opisyales ng militar.
"As always, we emphasize that this is in aid of legislation. Paano ba makakatulong ang Senado?" sabi ni Sen. Ronald "Bato" dela Rosa, chairperson ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, sa isang pahayag na inilathala, Huwebes.
"Anong mga polisiya ang kailangang gawin at anong batas ang kailangan nating amyendahan?"
Ilan sa mga itinuturo niyang posibleng legislative measures kaugnay ng mga pagdinig ay ang sumusunod:
- pag-emyenda sa Omnibus Election Code (section 69 pagdating sa nuisance candidates)
- pag-amyenda sa ocal Government Code para matiyak na ang otoridad na mag-appoint ng police provincial directors ay sa Philippine National Police at hindi sa LGU officials
- pag-amyenda ng Firearms Law
- malakas na batas para mapigilan ang pagtatayo ng private armies
- parusang "bitay" laban sa mga security personnel na gumagawa ng karumaldumal na krimen gamit ang kanilang training at skills
Dating may death penalty sa Pilipinas ngunit ibinasura ng Konggreso matapos ipasa ang Republic Act 9346 noong taong 2006.
Pinalitan na lang ng life imprisonment at reclusion perpetua ang mga krimen na dating pinapatawan ng bitay.
Ilan naman sa mga policy reforms na kanyang itinutulak ngayon ang
- mahigpit na regulasyon sa pagbebenta at paggamit ng military at police uniforms
- monitoring ng dishonorably discharged military personnel
- pag-iimbentaryo ng loose firearms
- pag-update sa PNP standard of procedures pagdating sa mga reklamo ng mga mamamayan
Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa ngayon ng komite, habang pinaplano ni Dela Rosa ang isa ang pagdinig para ma-cover ang mga dati at kasalukuyang law and order situation sa Negros Oriental.
Matagal nang nilalabanan ng human rights advocates ang pagbabalik ng death penalty lalo na't hindi naman daw nito talaga nasosolusyonan ang kriminalidad. Bagkos, posible rin raw mapatay ang mga mahahatulang guilty kahit na inosente talaga lalo na sa mga mahihirap na walang access sa mahuhusay na abogado. — James Relativo
- Latest