Passport ni Teves ipakakansela ng NBI
MANILA, Philippines — Plano ng National Bureau of Investigation (NBI) na hilingin sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang pasaporte ni suspended Negros Oriental Cong. Arnolfo Teves Jr.
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na isasagawa ito kapag natapos na ang pagsasampa ng kasong murder laban kay Teves dahil sa pagiging utak umano sa pagpaslang kay Governor Roel Degamo at siyam na iba pa.
Ngunit maaaring may iba pang lusot si Teves. Ito ay makarang mabatid ni Remulla na may iba pang pasaporte ang mambabatas gamit ang iba’t ibang nasyunalidad.
“We can cancel the passport. Pero may hawak na ibang passport ‘yan. May hawak pa ‘yan na ibang passport… may hawak pa, ibang nationality,” ani Remulla.
Sinabi ni Remulla na sisikapin nilang masampahan ng kaso si Teves ngayong linggo ngunit kahapon, inihayag niya na maaaring sa Lunes na ito maisasagawa.
Una rito, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tinanggihan ng Timor-Leste ang hiling na ‘political asylum’ ni Rep. Teves.
Sa halip, binigyan ng Timor-Leste si Teves ng limang araw para manatili o umalis o kaya naman ay magsumite ng apela.
Unang inihayag ni Remulla ang paghingi ng asylum ni Teves base sa ulat ng Ambassador ng Pilipinas sa Timor-Leste.
Matapos tanggihan, naniniwala si Remulla na nananatili pa rin si Teves sa naturang bansa o kaya naman ay lilipad siya patungo ng Korea.
“He’s been shuffling between Korea and Cambodia and, I think, Bangkok where many of his people are staying right now,” saad ni Remulla.
“I think that he will just go around these countries while he still has his passport,” dagdag niya.
Samantala, hindi pa naman nakikita ng DOJ na isa rin sa mastermind sa pagpaslang kay Degamo ang kapatid ni Teves na si dating Governor Pryde Henry Teves.
- Latest