DICT: Wala ng extension matapos ang 90-day SIM registration

People use their mobile phones in Manila on Dec. 27, 2022, the first day of registering SIM cards for pre-paid subscribers.
STAR / Edd Gumban

MANILA, Philippines — Hinikayat kahapon ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy ang publiko na samantalahin ang 90-araw na ekstensiyon na ipinatupad ng pamahalaan sa SIM Card registration dahil hindi na aniya nila ito palalawigin pang muli.

Matatandaang ang SIM Card registration ay nakatakda sanang magtapos nitong Abril 26, ngunit inaprubahan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na palawigin pa ito ng 90-araw dahil mahigit kalahati pa lamang ng higit 168 milyong SIM cards ang nairehistro.

Binigyang-diin naman ni Uy na ito na ang pinal na ekstensiyon na kanilang maipatutupad dahil hindi aniya sila binigyan ng batas ng kapangyarihan upang i-extend pa itong muli.

Muli ring sinabi ni Uy na target nilang maire­histro sa loob ng natu­rang 90-day extension ang hanggang 70% ng total subscriber base upang ma-capture ang mga lehi­timong SIM users.

Tiniyak naman nito na nag-upgrade na ang mga telecom companies ng kanilang sistema upang mas mapadali pa ang pagrerehistro ng SIM cards.

Pinaalalahanan din niya ang publiko na ang barangay IDs ay maaari nang gamitin sa pagre­histro ng SIM card, kung sila ay walang anumang government-issued IDs.

Nagbabala rin naman si Uy na maaaring samantalahin ng mga scammers ang 90-day SIM registration extension upang makapambiktima at ­pinayuhan ang publiko na mag-ingat.

Una na rin niyang winarningan ang mga subscribers na unti-unti nang ide-deactivate ang mga features ng kanilang SIM cards kung magmamatigas pa rin at hindi ito irerehistro sa panahon ng ekstensiyon.

Ilan aniya sa maaari nilang alisin ay ang access ng mga ito sa kanilang social media accounts at outgoing calls.

Show comments