Retirement age na 57-anyos sa AFP ok sa Senado, Kamara

MANILA, Philippines — Nagkasundo ang Kamara at Senado na itaas sa 57 taong gulang ang retirement age ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa inaprubahang bicam version ng Senate Bill 1849 at House Bill 6517 patungkol sa pag-amyenda sa fixed-term ng mga matataas na opisyal ng AFP, nagdesisyon ang Kongreso na itaas sa 57 taong gulang mula sa kasalukuyang 56 ang edad ng pagreretiro ng mga AFP officials kasama rin dito ang mga enlisted personnel.

Paliwanag ni Senate Committee on National Defense Chairman Senator Jinggoy Estrada, kadalasang lumilipat sa pribadong sektor ang mga nagretiro noon na mga opisyal dahil malakas pa naman at kayang kaya pa na magtrabaho.

Sa salient points ng inaprubahang bicam version, ang AFP chief of staff ay magkakaroon ng maximum tour of duty na 3 taon, maliban na lang kung alisin sa pwesto ng Pangulo.

Ang ibang service commanders gaya ng Navy, Air Force, Army at PMA Superintendent ay magkakaroon ng maximum tour of duty na 2 taon.

Pinapayagan din na ma-appoint sa mga nabanggit na posisyon ang isang sundalo na may isang taon pa bago magretiro, ibig sabihin kung maitalaga na AFP Chief of Staff sa edad na 56 years old ay maaari pa itong ma-extend hanggang 59 years old para tapusin ang 3-year maximum duty.

Inaasahang sa panukalang ito ay madarag­dagan ang bilang ng mga heneral at mareresolba nito ang ‘grumbling’ o iyong pagtatampo ng mga opisyal na naudlot ang promotion.

Show comments