Oil spill posibleng umabot sa Puerto Galera, Batangas
MANILA, Philippines — Inihayag ng isang educator mula sa University of the Philippines Marine Science Institute (UP-MSI) na maaaring umabot sa Puerto Galera at Batangas ang oil spill mula sa lumubog na motor tanker sa Oriental Mindoro.
Ayon kay UP-MSI associate professor Dr. Irene Rodriguez, sa isinagawang projection kamakailan, base na rin sa agos ng tubig at ihip ng hangin, bumagal ang Amihan at patungo na pa-norte sa Verde Island passage.
“Based on projections, ang oil slick ay posibleng madala towards the north. So, pa-hilaga ang direksyon ng oil slick at ito ay maaaring makaapekto sa munisipalidad o coastal environments ng Calapan, Puerto Galera, at areas sa Batangas,” ani Rodriguez, sa panayam sa radyo nitong Linggo.
Noong Biyernes, una naman nang kinumpirma ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor na ang oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress ay umabot na sa Calapan City.
Sinabi naman ni Mayor Rocky Ilagan na hanggang nitong Huwebes ay hindi pa naman ito nakakaabot sa Puerto Galera o nakakaapekto sa mga isda doon.
Upang mapigilan naman ang lalo pang pagkalat ng oil spill, iminungkahi ni Rodriguez na maglagay ng mga fireproof spill booms at sunugin ang langis.
“Certain volume lang, hindi ‘yung kalahatan. Maghihiwalay ka lang ilang volumes, 20,000 to 30,000 liters, mula sa major oil slick. Kapag nadala na sa mas kalmadong lugar ng dagat, saka siya sisindihan…and then repeat again the process,” paliwanag pa niya.
Sinuportahan din niya ang panukalang pagbawalan muna ang malalaking barko na dumaan sa Verde Island dahil ikinukonsidera itong sentro ng marine biodiversity.
Matatandaang may kargang industrial fuel oil ang MT Princess Empress nang lumubog ito sa karagatang sakop ng Oriental Mindoro dahil sa malalakas na alon noong Pebrero 28.
- Latest