MANILA, Philippines — Tinitingnan ngayon ng mga awtoridad ang posibilidad na lumubog ang MT Princess Empress dahil sa overloading dahil sa karga nitong halos 100,000 litro ng industrial fuel na lagpas sa unang deklarasyon na 800,000 litro lamang.
Ayon kay Batangas Port Manager Joselito Sinocruz, sa kanilang radar monitoring bago ang paglubog ng barko, nadiskubre nila na tumatakbo lamang ng 3.6 knots ang MT Princess Empress, mas mabagal pa sa pinakalumang barko sa port na tumatakbo ng 6 knots.
Nagkaroon din ng obserbasyon na sadyang mabagal ang takbo ng barko bago pa ito lumubog na indikasyon na sadyang mabigat ang dala nito.
Makaraang na lumubog ang MT Princess Empress ay tumawag sa kanila ang kapitan nito na si Lawrence Bongalos at iniulat na tuluyang lumubog na ang kanilang barko na taliwas sa naglabasang ulat na ‘half-submerged’ lamang ito.
Naibigay ng kapitan ang coordinates ng pinaglubugan ng barko na ipinasa agad nila sa Philippine Coast Guard (PCG) ngunit sa ibang lugar umano nagtungo ang PCG. Dahil dito, umabot pa ng ilang araw bago natukoy ang tunay na lokasyon ng barko at nagsimula nang tumagas ang langis.
Sinabi ni Sinocruz na ipinadala nila sa Coast Guard ang recording ng interview sa kapitan ng barko kung saan idinetalye ang coordinates ng pinaglubugan ng barko.
Samantala, sa isang dokumento naman ay natuklasan na may hawak na Coastwise License ang MT Princess Empress na siyang permiso para payagan na magkaroon ng ‘coastwise trading’ ang barko. Nilagdaan ang dokumento ni Engr. Jaime Bea, direktor ng Maritime Industry Authority Region 5.