MANILA, Philippines — Kinumpirma ng tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez na humiling ng dalawang buwang "leave of absence" ang kontrobersyal na si Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr.
Natanggap daw ni Romualdez ang nasabing sulat noong ika-15 ng Marso matapos hainan ng reklamong kriminal si Teves para sa "loose firearms and explosives" sa kanyang tahanan. Idinidiin ngayon ang huli bilang utak diumano sa pagpapatumba kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Related Stories
"The undersigned Representative of the Third District of Negros Oriental humbly plea and request that he be granted a two-month leave of absence due to very grave security threat to his life and his family, to be reckoned from March 9, 2023," ani Teves sa liham kay Romualdez.
"Rest assured that he will come back as soon as the threat will be dealt with accordingly under our laws, and with the aid of the government."
The office of Speaker Martin Romualdez confirms that Rep. Arnolfo Teves Jr. requested yesterday a two-month leave of absence from the House due to "very grave security threat to his life and his family." A copy of the letter was sent to reporters this morning @PhilstarNews pic.twitter.com/bAbxm9Q89z
— Cristina Chi (@chicristina_) March 16, 2023
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang sabihin ng mga abogado ni Teves na plano talaga niyang umuwi ng Pilipinas ngunit hindi pa ito magawa dahil sa mga problemang pangseguridad.
Ika-9 ng Marso pa napaso ang kanyang travel authority kung kaya't pinagpapaliwanag siya ngayon ng ethics and privileges committee ng Kamara kung bakit hindi pa rin siya bumabalik ng Pilipinas para magtrabaho. Nasa Estados Unidos pa rin siya dahil sa isang "personal trip."
Matatandaang ika-4 ng Marso nang pagbabarilin si Degamo habang inaasikaso ang ilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa kanilang tahanan.
Kapatid ni Arnolfo si Pryde Henry Teves, dating gobernador din ng Negros Oriental at mahigpit na karibal sa pulitika ni Degamo. — may mga ulat mula kay Cristina Chi