MANILA, Philippines — Nagpapatuloy sa pagbibigay ng tulong sa mga Pilipinong nangangailangan, partikular sa mga apektado ng kalamidad, personal na hinatiran ng tulong ni Senator Christopher “Bong” Go para makarekober ang mga biktima ng nakaraang Bagyong Paeng sa Passi City, Iloilo.
“Huwag po kayong magpasalamat sa amin, trabaho namin ‘yan. Kami po ang dapat magpasalamat sa inyo dahil binigyan n’yo po kami ng pagkakataon na makapagserbisyo sa inyo,” ani Go sa kanyang mensahe.
Idinaos sa Passi 1 Central School Covered Court sa Brgy. Poblacion Ilawod, umaabot sa 1,355 apektadong residente ang binigyan ng grocery packs, bitamina, mask, meryenda at kamiseta. Nagbigay din sila ng mga cellular phone, sapatos, bola para sa basketball at volleyball, payong, relo at bisikleta sa mga piling indibidwal.
Sinabi ni Go na patuloy niyang isinusulong ang Senate Bill No. 188 na layong itatag ang Department of Disaster Resilience.
Ang pagtatatag ng DDR ay sisiguro sa mabilis na pagtugon ng pamahalaan sa anumang krisis o kalamidad. Makakatulong din ito na maibsan ang negatibong epekto ng mga kalamidad at mas mabilis na makababangon ang mga apektadong komunidad.
Inihain din ni Go ang SBN 1181 na magtatakda ng mga pamantayan at benchmark upang ang mga gusali at istruktura ay tiyak ang katatagan at integridad sa panahon ng mga sakuna.
Sa kanya ring SBN 193, iniuutos ang pagtatatag ng mga evacuation center sa bawat lungsod, lalawigan, at munisipalidad sa buong bansa.
Kaugnay nito, pinayuhan ng senador ang mga benepisyaryo at kanilang mga mahal sa buhay na bisitahin ang alinman sa apat na Malasakit Centers sa lalawigan kung kailangan nila ng tulong medikal.