MANILA, Philippines — Natagpuan na ang bangkay ng apat katao na sakay nang bumagsak na Cessna plane 340A sa mismong crash site malapit sa crater ng Mt. Mayon.
Kinilala ng mga kinatawan ng Energy Development Corporation ang mga labi nina Capt. Rufino James Crisostomo Jr., piloto; airline mechanic na si Joel Martin at ang dalawang EDC consultants at kapwa Australian national na sina Simon Chipperfield at Karthi Santhanam.
Mismong ang EDC na ang nagparating ng masamang balita sa mga kamag-anak ng nasawing mga biktima.
Sa pahayag ni Camalig Mayor Carlos Baldo, nasa proseso na sila ng retrieval operation. Umabot hanggang madaling araw kahapon ang pag-akyat ng grupo bago nalapitan ang crash site at nakita ang mga bangkay.
Lahat ng biktima ay nasa labas ng sumabog na eroplano kung saan ang dalawa ay halos magkalapit.
Kahit anim na araw na simula nang bumagsak ang Cessna dahil umano sa malamig na klima sa itaas ng bulkan ay napreserba ang mga bangkay at hindi masyadong nag-decompose.
Tumanggi nang idetalye pa ang hitsura ng mga labi bilang pagbigay galang sa mga naiwang pamilya.
Ayon kay Baldo, mano-manong ibababa ang mga biktima mula sa bulkan.
Posibleng abutin ng gabi o ngayong araw pa bago maibaba ang mga labi ng biktima dahil prinoseso pa ang mga ito sa crash site ng PNP-SOCO.
Inaasahan din na aabutin na naman ng ilang oras bago maibaba ang mga biktima dahil sa mas hirap ngayon ang pagbaba lalo na at may dala na ang mga responders.
Aniya, ang gagawin na lamang ay ‘retrieval operations’ at nagpadala siya ng karagdagang rescue team na sasalubong at tutulong para maibaba na ang apat na bangkay.
Ayon na rin sa instruction ni Col. Robel Ronda ng Civil Aviation Authority of the Philippines-Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board sa mga magpoproseso at kukuha ng mga bangkay na huwag galawin ang mga piraso at wreckage ng eroplano para sa gagawin din nilang imbestigasyon.
Lumipad mula Bicol International Airport ang Cessna ala-6:43 ng umaga noong Sabado patungong Manila at makalipas lamang ang tatlong minuto ay nawala na ang komunikasyon sa air traffic control.
Huling nakontak ng air traffic controllers ang aircraft dakong alas-6:46 ng umaga na patungong Camalig Bypass Road sa taas na 2,600 feet. Inaaasahan sana ang pagdating ng Cessna plane sa Maynila alas 7:53 ng umaga. — Doris Franche-Borja