DOJ ibinaba piyansa ng mahihirap na preso para 'patas,' 'batay sa kakayahan'

Persons deprived of liberty (PDLs) attend the orientation of the Senior High School program inside the Manila City Jail in Sta. Cruz, Manila last September 2022

MANILA, Philippines — Ipinag-utos ng Department of Justice sa mga piskal na ibaba ang piyansang inirerekomenda para sa pansamantalang kalayaan sa mga mahihirap na isinasakdal sa kasong kriminal upang lalong mapaluwag ang mga kulungan.

Ito ang nasasaad sa Department Circular 11 ng Kagawaran ng Katarungan na siyang nilagdaan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla. Aniya, alinsunod ito sa Republic Act 10389 o Recognizance Act of 2012.

"[In] the interest of social justice and to afford justice for all, and in line with existing laws, all prosecutors in the Department shall henceforth consider the financial capacity of the accused when recommending the amount of bail in criminal informations for filing in court," ayon sa circular.

"At the start of the inquest or preliminary investigation proceeding, the investigating prosecutor shall inquire from respondent where or not he or she claims indigency."

Kinikilala ng RA 10389 ang karapatan ng isang tao na mabigyan ng recognizance, o paglabas sa pagkakapiit, kung wala siyang kapasidad makapaghain ng piyansa dahil sa sobra-sobrang kahirapan maliban kung reclusion perpetua o life imprisonment ang parusa sa reklamo.

Ayon sa Bureau of Corrections at Bureau of Jail Management and Penology, seryoso na rin kasi ang problema ng pagsisiksikan sa mga kulungan at detention facilities sa ngayon.

Dati nang iniutos ng Korte Suprema sa Administrative Circular 38-2020 ang pagpapataw ng mas mababang halaga ng piyansa para sa mahihirap na persons deprived of liberty habang gumugulong pa ang kanilang kaso.

Sa Article 3 ng 2021 Revised Public Attorney's Office OPerations Manual (PAO Manual), maaaring umapela ng mas mababang halaga ng piyansa kung ang itatakda ng hukom ay labas na sa pinansyal na kakayahan ng akusadong suspek.

"These guidelines shall apply to all cases undergoing inquest or preliminary investigation proceedings," sabi ng DOJ.

Paano patutunayan pagiging 'indigent'?

Oras na ianunsyo ng akusadong siya'y indigent at walang ebidensyang paulit-ulit siyang inirereklamo, maaari siyang magsumite ng mga sumusunod:

  • huling income tax return, pay slip o patunay ng sahod/kita
  • certificate of indigency mula sa Department of Social Welfare and Development
  • Certificate of Indigency/no income mula sa Office of the Punong Barngay/Barangay chairperson na sumasakop sa kanya

Matapos ang inquest o preliminary investigation proceedings at ma-determine ng piskal na ituloy ang kaso sa korte, dapat niyang banggitin sa criminal information na 50% lang ng inirerekomendang piyansa o P10,000 (kung ano ang mas mababa) ang ilalagay katabi ng recommended bail.

"[M]akakatulong ito sa ating mga kababayan na kadalasang naaapi sa dating systema. Ngayon, binibigyan natin ng importansya sa batas ang mga karaniwang tao," wika ni Remulla sa isang hiwalay na pahayag.

"Hindi dapat ginagamit ang systema ng hustisya para guluhin ang buhay ng trao. Doon tayo sa tama, doon tayo sa karapat-dapat lamang."

Nauna nang itaas ni Remulla ang "threshold" ng pagsasampa ng kaso sa korte. Sa isang circular, sinabi ni Remulla na dapat iatras ng mga piskal ang kaso kung walang "reasonable certainty of conviction,” ito mula sa naunang threshold na "probable cause."

Sa pamamagitan ng dalawang circular na ito, sinabi ng DOJ chief na inaasahan nilang "quality criminal cases" lang ang maisasampa, na siya ring magdedecongest sa court dockets.

Inaasahan ngayon gn DOJ na mabibigyan ng pansamantalang kalayaan sa pamamagitan ng piyansa ang maraming PDLs. — may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag

Show comments