MANILA, Philippines — Mahigit sa 17.5 milyon na mga estudyante ang nakakaranas ng pambu-bully sa kanilang mga eskwelahan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on basic education, ibinuyag din ni Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng komite ang nakakabahalang istatistika kung saan isa ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamataas na bilang ng mga kaso ng pambu-bully sa mga estudyante.
Ikinagulat din ni Gatchalian ang nakuhang datos mula sa Program for International Student Assessment (PISA) kung saan lumalabas na mahigit sa 17.5 milyong estudyante sa bansa ang nakakaranas ng pambu-bully na kinumpirma rin ng Child Protection Network Foundation (CPNF) sa naturang pagdinig.
Ayon kay CPNF Executive Director Bernadette Madrid na base sa 2016 National Baseline Survey on Violence Against Children na pinamumunuan ng Council for the Welfare of Childre na 65% ng mga estudyanteng Pinoy ang nabu-bully.
Nababahala rin si Gatchalian dahil lumalabas na ang Pilipinas ang nangunguna sa mahigit 70 bansa pagdating sa bullying at may edad na 13-17 taong gulang ang nakakaranas nito.
Sa naitalang bullying sa nakalipas na taon ay mayroong Physical bullying na 56.79%, Social bullying (25.43%), Gender-based/biased (5.92%), Cyberbullying (6.03%) at Retaliation (5.83%).
Aminado naman umano ang DepEd na maaring marami pang hindi naitalang bullying incident dahil sa kakulangan ng mga guidance counselor.
Para naman umano maging safe ang mga bata sa bullying, ipinapasok sa curriculum ang karapatan ng mga bata para maunawaan nila kung sila ay binu-bully na at para alamin kung ano ang dapat gawin.
Sinabi naman ng DepEd na para sa mga nabibiktima ng bullying ay maaari silang tumawag sa 86321372 at 09451759777.