MANILA, Philippines — Hindi lang sa panlasang Pinoy swak ang bibingka, bagay na napatunayan uli sa pagkakapasok nito sa "50 Best Rated Cakes in the World" ng TasteAtlas para sa taong 2023.
Lumanding kasi sa ika-16 pwesto sa naturang listahang inilabas noong nakaraang linggo ang ating local pastry, na siyang madalas ipares sa mainit na kape o tsokolate, panahon man ng Kapaskuhan o hindi.
"Bibingka is believed to have appeared under the foreign culinary influence, and the first written reference describing a similar cake dates back to 1751," sabi ng TasteAtlas, na siyang nagbigay dito ng 4.4 out of 5.
"Through history, bibingka was adapted with additional ingredients, and nowadays it is typically prepared with milk, eggs, coconut milk, sugar, and butter, while modern variations may include anything from grated cheese, salted duck eggs or grated coconut, and a variety of different sweet and savory toppings."
Karaniwang inihahanda ito gamit ang mga palayok at dahon ng saging, na siyang nagbibigay dito sa kilala nitong "smoky" flavor.
Bahagya itong pagbaba kumpara sa pwesto nito sa parehong website noong 2022, kung kailan nasungkit ng bibingka ang pagkilala bilang ika-13 pinakamasarap na cake sa buong mundo.
Ang TasteAtlas, ayon sa kanilang website, ay nagsisilbing "encyclopedia" ng iba't ibang lasa at tradisyunal na putahe sa iba't ibang panig ng daigdig, bagay na nakapag-catalogue na sa 10,000 pagkain at inumin. — James Relativo