MANILA, Philippines — Nakatakdang pasinayaan ng global technology company na Tala ang “Tiwalang Tala Palengke Tour” sa mga piling pamilihan sa Metro Manila sa mga susunod na mga linggo.
Aarangkada ang programa sa Commonwealth Public Market ngayong Sabado, January 28 at sa Balintawak Public Market bukas, January 29. Layon nitong suportahan ang mga market owners, vendors at mga konsyumer sa pamamagitan ng pagpapakilala ng microloans para mapalago ang kanilang mga negosyo gamit ang Tala app at pagsasagawa ng konsultasyon.
Sa pamamagitan nito, malalaman ng customer ang angkop na loan na maaari niyang kuhanin base sa gastos at pangangailangan.
“Malaki ang bahaging ginagampanan ng mga MSMEs, lalo na ang mga market vendors at owners, sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa,” saad ni Tala Country Manager Donald Evangelista.
“Bagama’t malaki ang ambag nila sa bansa, walang access ang karamihan sa kanila sa mga produkto ng mga pormal na financial institutions na maaaring makatulong sa kanilang mga negosyo. Kaya naisipan naming ilapit ang aming mga serbisyo sa mga MSMEs sa pamamagitan ng pag-iikot sa mga pamilihan at paglapit sa mga market vendors at owners.”
Sa customizable loans ng Tala, may kakayahang pumili ang customer ng araw ng kanilang repayment date upang maiangkop sa kanilang income cycle at makapagtabi ng sapat na budget sa kanilang mga bayarin. Binibigyan din ng option ang mga customer na magbayad ng hindi bababa sa P5 piso kada isang araw para sa P1,000 na utang. Maaari ring bayaran agad ang loan kahit na isang araw pa lamang matapos itong kuhanin para mapaliit ang kanilang babayaran.
Kabilang ang customizable loans ng Tala sa mga microloan at financial services na maaaring ma-avail gamit ang Tala app na ipapakilala sa Tiwalang Tala Palengke Tour.