MANILA, Philippines — Isang 68-anyos na Filipino ang kabilang ?sa 11 katao na nasawi sa mass shooting sa isang dance hall sa Monterey Park Los Angeles, California noong bisperas ng Chinese New year.
Kinilala ni Deputy Consul General Ambrosio Enciso, Philippine Consulate General sa Los Angeles, ang biktima na si Valentino Alvero.
Sinabi ni Enciso na hindi agad nila inilabas ang pangalan ng mga biktima hanggang hindi ito positibong kinikilala ng kanilang mga kamag-anak at kaibigan.
Si Alvero ay positibo namang kinilala ng kanyang mga kaibigan.
Ayon kay Enciso, ang lugar na pinangyarihan ng krimen ay isang public dance hall kung saan nagaganap ang isang party na dinaluhan ng mga nasa edad na late or mid 60s.
Kaya posible umanong ang nasabing party ay dinaluhan ng mga magkakamag-anak.
Hindi pa naman inilalabas ang pangalan ng iba pang biktima hanggang hindi sila positibong kinikilala ng kanilang mga kamag-anak.
Samantala, patuloy namang inaalam ng mga awtoridad doon kung ano ang motibo ng suspek na si Huu Can Tran, 72, sa pamamaril gamit ang isang semi-automatic pistol.
Lumipat pa umano sa ibang dance studio ang suspek subalit isang lalaki ang maagap na nakipag-agawan ng baril kay Tran kaya napigilan itong makapamaril ulit.
Matapos naman ang ilang oras ay natagpuan din ang bangkay ng suspek sa loob ng kanyang puting van matapos magbaril sa sarili.
Samantala, pito katao naman ang nasawi sa mass shooting sa dalawang lokasyon sa Half Moon Bay sa Northern California nitong Lunes.
Nasa kustodiya na ng mga otoridad ang umano’y suspek matapos na mamataan ang kanyang sasakyan sa parking lot ng San Mateo Countys Sheriff Department sub-station.
Halos 30 miles (50 km) ang distansya ng Half Moon Bay mula sa San Francisco.
Base sa ulat, may armas na nadiskubre sa naturang sasakyan.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung ano ang motibo sa magkakasunod na pamamaril.