Maharlika Fund, hilaw pa para ilahad sa WEF

MANILA, Philippines — Hilaw pa umano para ilahad ang Maharlika Wealth Fund (MWF) sa World Economic Forum  (WEF) sa Davos, Switzerland.

Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, ito ay dahil hindi pa dumadaan sa Senado ang panukalang batas na magtatatag ng pondong ito kaya premature pa ito at walang maipipri­sinta.

Bukod dito, marami rin umanong butas ang konsepto nito kaya kapag iprinisinta ito ng presidente ay magmumukha siyang amateur.

Ang reaksyon ay ginawa ni Hontiveros matapos sabihin ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isusulong ng Pangulo ang kanyang panukalang sovereign wealth fund sa harap ng political, business at civil society leaders sa WEF sa Davos, Switzerland.

Kung ikukumpara umano sa mahusay na paghahanda ng Indonesia sa kanilang wealth fund, ang Pilipinas ay kulang sa wealth windfall mula sa exports para mapunan ang sovereign fund at wala rin portfolio ng mga proyekto na mag-eengganyo sa mga investors.

Bukod dito, patuloy umano na humaharap ang bansa sa mataas na presyo ng pagkain at kuryente at hindi rin matatag ang ekonomiya ng bansa.

Iginiit din ni Hontiveros na base sa mga lumalabas na poll, hindi kumbinsido ang karamihan sa pagtugon ng administrasyon sa tumataas na inflation.

Show comments