MANILA, Philippines — Mas maginhawa na ngayon ang pagkuha ng Certificate of Eligibility (COE) dahil ang mga Civil Service Eligible ay maaari ng makuha ang authenticated copy ng nasabing sertipikasyon sa alinman sa 16 regional offices ng ahensya sa bansa.
“Mas magiging madali na para sa ating mga kababayan ang pagkuha ng kanilang eligibility records dahil kahit saang CSC Regional Office ay maaari na silang magpunta at mag-request ng COE. Kasama na riyan ang pagkuha ng authenticated copies ng COE,” ayon kay CSC Chairperson Karlo Nograles.
Sinabi ni Nograles, ang bagong proseso ay bahagi nang pagpapatupad ng ahensya ng Internal Civil Service Eligibility Verification System (iCSEVS), base na rin sa itinatakda ng CSC Resolution No. 2200677, na naaprubahan nitong nakalipas na Disyembre 16, 2022.
Sa pamamagitan ng iCSEVS, pinapahintulutan nito ang CSC authorized verifiers na agad makumpirma ang civil service eligibilities mula sa integrated database na siyang naglalaman ng record ng mga pumasa sa Career Service Pen and Paper Test and Computerized Examinations.
Nilinaw pa ni Nograles, tanging ang mga Regional Office lamang ng CSC ang maaaring tumanggap at mag-proseso ng request para sa authenticated COE copies at hindi kasama ang kanilang Field Offices.
Habang ang CSC Central Office ay tatanggap lamang ng requests for civil service eligibility na hinihingi ng alinmang korte at iba pang investigating bodies sa pamamagitan na rin ng isang “Subpoena Duces Tecum” at Order o ang written request ng CSC Executive Offices at Office for Legal Affairs ng Central Office nito.