MANILA, Philippines — Nais malaman ni San Jose Del Monte City Rep. Florida ‘Rida’ Robes kung paano pinamahalaan ang Air Traffic Management (ATM) System sa kabila ng pagpapasinaya noong 2018 lamang.
Hiniling ni Rep. Robes, sa pamunuan ng Kamara na atasan ang House Committee on Good Government na magsagawa ng inquiry sa naiulat na malfunction at shutdown ng bagong Communications, Navigation and Surveillance system para sa Air Traffic ng NAIA noong Enero 1.
Si Rep. Robes ay kabilang sa 65,000 inbound at outbound na mga pasahero na apektado ng airspace shutdown.
Nais malaman ni Robes mula sa mga opisyal ng Department of Transportation and Railways (DOTR) kung paano nag-malfunction ang New CNS/ATM System na nautang sa JICA sa kabila ng inagurasyon nito noong 2018 at may lokal na pondo mula sa gobyerno.
“Ang pagsara nito ay nagdulot ng malubhang banta sa kaligtasan ng aviation, pagkalugi sa ekonomiya sa turismo at industriya ng aviation, at pag-alis ng libu-libong papasok at papalabas na mga pasahero ng flight ang na-stranded,” sabi ng solon.
Naapektuhan ng shutdown ang hindi bababa sa 282 domestic at international flights, at 65,000 inbound at outbound na mga pasahero.