MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Civil Service Commission (CSC) ng 99.81% Resolution Rate sa Contact Center ng Bayan (CCB) program matapos matugunan o mabigyan ng kaukulang aksiyon ang nasa 126,375 transaksyon sa nasabing ‘customer service hotline’ program ng ahensya.
Ito ang inihayag ni CSC Chairperson Karlo Alexei Nograles, kung saan ang naturang 99.81% action rate ay base sa feedback na kanilang natanggap mula sa publiko, partikular nitong Enero 1 hanggang Nobyembre 30, 2022.
Sinabi ni Nograles na ang pagkakaloob ng “customer-centered services” ay nananatiling top priority ng CSC, sa pamamagitan na rin ng kanilang CCB program at ang naitalang mataas na rating nito ay pagpapatunay lamang nang mataas o malaking pagtitiwala ng taumbayan sa naturang ahensya bilang isang institusyon ng gobyerno at sa klase ng serbisyong naibibigay nito.
Sa ilalim ng CCB program, ang CSC ay nakapaghahatid sa publiko ng mga impormasyon at tulong sa iba’t ibang government services and procedures sa pamamagitan ng text messaging service o SMS, email, website, telephone hotline, at maging sa official CSC Facebook Page.
Kaugnay nito, nanawagan si Nograles sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno na pairalin at paigtingin ang feedback mechanism sa kani-kanilang tanggapan at pakikinig sa hinaing ng ating mga kababayan.
“Taun-taon, ito ang gawin nating regalo sa kanila—ang mas mabilis at mas mahusay na serbisyo publiko,” dagdag pa ni Nograles.