MANILA, Philippines — Positibo si House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda (2nd District, Albay) na magiging mabisang tugon ang pinagtibay na panukalang Public Private Partnership (PPP) Act upang mapunan ang kakulangang P7.3 trilyong pondo para sa pagpapabuti pa ng mga imprastraktura sa bansa.
Ang House Bill (HB) 6527 o PPP Act na pangunahing iniakda ni Salceda ay pinagtibay sa Kamara sa huli at pinal na pagbasa noong Disyembre 12 matapos makakuha ng botong 254 pabor laban sa tatlong kumontra sa panukala.
Sinabi ni Salceda, nilalayon ng PPP Act na lumikha ng isang sistema kung saan mahusay at mabisang maisusulong ang pagtutulungan ng pribadong sektor at ng pamahalaan sa paggawa ng malalaking mga imprastraktura gayundin ng iba pang proyektong pangkaunlaran.
Kabilang ang PPP Act sa mga prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Marcos na tinukoy nito sa kaniyang State of the Nation Address (SONA).
Sa data mula sa ‘G20 Global Infrastructure Outlook,’ sinasabing kailangan ng Pilipinas ang US$559 bilyon para pondohan ang mga mahahalagang imprastraktura hanggang 2040 para matupad ng bansa ang ‘sustainable development goals’ nito.
Inihayag ni Salceda na may mabubuting kaganapan na nagbibigay ng pag-asang makalikom ang Pilipinas ng $429 bilyon kaya mapapababa rin ang kakulangan sa $131 bilyon pero katumbas pa rin ito ng P7.3 trilyong kakulangan sa pondong puhunan sa mga imprastraktura para sa nasabing mithiin.