MANILA, Philippines — Tinututukan ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang tatlo hanggang limang personalidad na posibleng mamuno sa Communist Party of the Philippine kasunod ng pagpanaw ni CPP founding chairman Jose Maria “Joma” Sison.
Tumanggi namang ibunyag ni PNP Public Information Office chief Police Colonel Redrico Maranan ang mga pangalan ng mga ito.
“Meron po tayong personality na tinitingnan. Kung hindi po ako nagkakamali ay mayroong tatlo hanggang lima na tinitignan tayo, subalit sa ngayon I am not at liberty to divulge those names dahil patuloy pa nating pinag-aaralan,” ani Maranan.
Una nang sinabi ni CPP chief information officer Marco Valbuena na tuloy ang kanilang pakikipaglaban dala ang mga aral, pangaral at turo ni Sison.
Namatay si Sison, 83, noong Disyembre 16 sa The Netherlands kung saan ito naka-self exile. Itinatag nito ang CPP noong 1968.