Manila-Brussels direct flights bubuksan
MANILA, Philippines — Magkakaroon na ng direct flights mula Manila patungo ng Brussels, Belgium.
Ito‘y matapos magkasundo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at mga opisyal ng Brussels airport sa sidelines ng Asean-European Union Summit.
Ayon kay Office of the Press Secretary officer-in-charge Undersecretary Cheloy Garafil, iminungkahi ng mga opisyal ng Brussels airport na magkaroon ng direktang flight sa Pilipinas.
Sinabi naman ni Arnaud Feist, chief executive officer ng Brussels Airport Company, na ang Manila-Brussels direct flight ay “win-win” para sa dalawang bansa.
Sinabi naman ng Pangulo na ang non-stop flight mula Manila patungong Brussels ay isang oportunidad para tuklasin ng mga Filipino ang Belgium at iba pang bahagi ng western Europe.
Anya, ang Brussels ang sentro ng lahat ng bansa sa Western Europe kaya malaking bagay ang pagbubukas ng Manila-Brussels direct flight.
Kaagad namang nagpahayag ng interes ang kompanyang Philippine Airlines para maikonekta ang mga Filipino sa Europe.
- Latest