Fact check: 'Astronaut food' na gusto ibigay ni Marcoleta sa mahihirap

Kuha kay Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta, ika-7 ng Disyembre, 2022
Video grab mula sa YouTube channel ng Commission on Appointments

MANILA, Philippines — Nakiusap si Rep. Rodante Marcoleta (Sagip party-list) sa Department of Science and Technology (DOST) na mag-imbento ng pagkaing gaya ng sa mga astronaut — bagay na maaari raw gamitin ng mahihirap upang hindi na basta magutom.

CLAIM: Pwedeng hindi kumain nang "ilang buwan" ang mga astronaut nang hindi namamatay dahil sa kanilang espesyal na kinokonsumo sa outer space. Dahil dito, gusto ito ibigay ni Marcoleta sa mahihirap.

RATING: Ito'y false.

KATOTOHANAN:

Mga sinabi ni Marcoleta

Miyerkules nang makiusap si Marcoleta kay DOST Secretary Renato Solidum Jr., na noo'y nasa kanyang confirmation hearing, kung maaaring makapagmanupaktura ang kagawaran ng kinakain ng mga astronauts bilang tugon sa gutom.

"[When t]hey [astronauts] are in orbit, they spend days even months without cooking their food. Kasi po wala hindi naman nila pwedeng magluto doon sa kanilang spaceship, tama po ba?"

"I'm thinking aloud na kung sakali pong makaimbento tayo nung kinakain nila, ibibigay ko po sa mga mahihirap na kababayan natin. Even for months hindi sila kakain, hindi sila mamatay."

"Ito ho palliative lang. Meaning to say, we have [to] just fill up a gap. Kung sakali lang matulungan natin the poorest of our poor, naimbento po ninyo 'yung pildoras (pill) or whatever... 'pag ininom po ng mahirap, in two weeks lang... na hindi siya bumili ng pagkain, na hindi siya nagluto, malaking bagay na po."

Ani Solidum, kakausapin pa nila ang mga scientists ng bansa tungkol dito lalo na't ang meron lang ang bansa ay 'yung mga meals na pwedeng kainin ng mga disaster victims na siyang may shelf life na anim na buwan.

Importanteng konteksto

Hindi totoong sapat ang astronaut food para hindi kumain ang mga nabanggit nang ilang araw o buwan.

"Astronauts eat three meals a day: breakfast, lunch and dinner," ayon mismo sa National Aeronautics and Space Administration (NASA) sa kanilang website.

"Nutritionists ensure the food astronauts eat provides them with a balanced supply of vitamins and minerals."

Ang ilan sa mga kinakain ng astronauts ay parehong-pareho lang sa natural nitong porma: gaya ng mga brownie o prutas.

Ang ilan naman dito ay kailangan lang dagdagan ng tubig, gaya ng macaroni and cheese at spaghetti. Meron ding oven sa space station upang mag-init ng pagkain.

"An astronaut can choose from many types of foods such as fruits, nuts, peanut butter, chicken, beef, seafood, candy, brownies, etc. Available drinks include coffee, tea, orange juice, fruit punches and lemonade," dagdag pa ng NASA.

"As on Earth, space food comes in disposable packages. Astronauts must throw their packages away when they have finished eating. Some packaging actually prevents food from flying away."

Bakit ito finact check?

Umabot na sa 6,900 ang nagvi-view ng naturang video mula sa opisyal na YouTube channel ng Commission on Appointments, bagay na ikinalat at ibinalita na nang maraming news outlets: 21,000 views sa News5, 56,000 sa GMA News atbp.

Sa quote card na ito ng Pilipino Star Ngayon, umani na ito ng mahigit 14,000 reaksyon at 8,800 shares.

Mahalaga rin ito lalo na't nagagamit ang ganitong disinformation upang ipagtanggol ang ideyang 'wag pakainin ang mahihirap nang ilang buwan kahit walang ganitong teknolohiya ang mga totoong nagtutungo sa kalawakan.

--

Philstar.com is a founding partner of Tsek.ph, a collaborative fact-checking project for the 2022 Philippines’ elections and an initiative of academe, civil society groups and media to counter disinformation and provide the public with verified information.

Want to know more about our fact-checking initiative? Check our FAQs here. Have a claim you want fact-checked? Reach out to us at factcheck@philstar.com.

Show comments