MANILA, Philippines — Nagpaalala si Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na hindi pa tiyak na mapupunta ang Pilipinas sa endemic stage dahil sa mababang “booster uptake” ng mga Pilipino na maaaring maging dahilan ng posibleng pagtaas ng mga kaso sa hinaharap.
“Yes, endemicity will come soon (but) it’s quite uncertain because of this immunity that we are talking about. We are not certain and we cannot be confident to say,” saad ni Vergeire.
Ipinaliwanag niya na dahil sa mababang booster uptake, mababa rin ang “immunity coverage” sa bansa na isa sa mabisang panlaban sa malubhang pagkakasakit dulot ng virus.
Sumasang-ayon naman umano sila kay infectious disease expert Dr. Edsel Salvana na patungo na ang bansa sa endemic stage ngunit kailangang sabayan din umano ito ng mataas na coverage ng bakuna.
Ayon naman kay Salvana, kaya namang pamahalaan ng bansa ang pagtaas ng kaso ng COVID basta mananatiling bukas ang healthcare system na ngayon ay handa na sa paghawak sa mga kaso ng impeksyon.