MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na pumalo na sa 110 ang bilang ng mga namatay sa bagyong Paeng habang 33 pa ang nawawala at 101 ang sugatan.
Ayon sa NDRRMC, sa 110 namatay, 79 ang kumpirmado habang patuloy ang validation sa 31 iba pa.
Sa report ng ahensya, sinabing pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga biktima ay ang malawakang pagbaha at landslide lalo na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at Western Visayas.
Tinatayang aabot sa 2.4 milyong Pilipino ang apektado ng bagyong Paeng, at 190,000 ang nananatili pa rin sa mga evacuation centers sa 17 rehiyon sa buong bansa.
Samantala, umabot naman na sa P1.29 bilyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura ni ‘Paeng’ partikular sa Gitnang Luzon habang P760,361,175 ang pinsala sa imprastruktura.
Sa kabila nito, tinanggihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang rekomendasyon ng NDRRMC na isailalim ang buong bansa sa state of national calamity dahil sa pagtama ng bagyo. Giit niya, ang pinsala ay “highly localized” o sa kada probinsya o bayan lamang.
Samantala, hindi pa man tuluyang nakarerekober ang maraming lugar sa bansa, nagpapaulan na naman ngayon ang bagong bagyong Queenie sa ilang bahagi ng bansa.
Sa forecast ng PAGASA, magdadala ang bagyong Queenie ng mahina hanggang sa katamtamang lakas ng pag-ulan partikular sa Davao Oriental, Davao Occidental, Surigao del Sur, Sarangani at Tawi-Tawi.