MANILA, Philippines — Inaasahan na magkakaroon ng linaw ang kinahinatnan ni Crisanto/Jun Villamor, ang middleman sa pagkamatay ng brodkaster na si Percy Lapid, sa paglalabas ngayong Sabado ng resulta ng “re-autopsy” sa kaniyang bangkay na isinagawa ni Dr. Raquel Fortun.
Nakatakda sanang ilabas ni Dr. Fortun ang resulta ng kaniyang pagsusuri ngunit humiling umano siya ng isang araw pa upang maihanda ang kanilang ulat, ayon kay Department of Justice spokesperson Asec. Mico Clavano.
Sa halip, ipiprisinta ni Fortun ang kaniyang mga nadiskubre sa isang press conference ngayong Sabado sa DOJ.
“I think we’re on to something. The story is becoming a bit clearer. But of course, we have to be cautious because we don’t want to jump into conclusions,” saad ni Clavano.
Posible umano kasi na inililigaw ang mga imbestigador sa isang istorya, pero marami pa umanong mga anggulo na dapat ikunsidera.
“We’re not closing any other doors to the possibility of other persons being involved also. We just have to be cautious,” dagdag ng opisyal.