Marcos dinipensahan si Cascolan
MANILA, Philippines — Dinipensahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtatalaga niya kay dating PNP Chief Camilo Cascolan bilang undersecretary ng Department of Health.
Sinabi ni Marcos na batid niyang hindi doktor si Cascolan at hindi naman isyu sa kalusugan ang kanyang trabaho sa DOH.
“Well, si General Cascolan, we put him there because he has to look at – hindi naman siya… Of course, he’s not a doctor and he’s not… It’s not health issues that he has to look at that’s why he doesn’t have to be a doctor. He’s going to look at the function of the DOH,” ani Marcos.
Nabanggit ni Marcos ang isyu ng “rightsizing” at “structural changes” at kailangan aniya ng isang tao na titingin kung ano ang nangyayari (sa DOH).
Nauna rito, pumalag ang Alliance of Health Workers sa pagtatalaga ng Pangulo kay Cascolan na hindi isang doktor dahil pagpapakita umano ito ng kawalang pagpapahalaga sa kalusugan at kaligtasan ng bawat Filipino.
Samantala, binanggit din ng Pangulo ang isyu tungkol sa pagkakatalaga niya kay Paul Soriano na nanumpa na bilang presidential adviser on creative communications.
Ayon kay Marcos na “misunderstood” ang trabaho ni Soriano na hindi naman bahagi ng “PR machine” ng gobyerno kundi tagahanap ng paraan para isulong ang creative industry.
“Yung kay Paul Soriano, people have misunderstood. He’s not there to be part of the PR machine. He’s there to find ways to promote the creative industry kasi doon siya galing eh,” ani Marcos.
Ipinaliwanag din ni Marcos na bahagi ng trabaho ni Soriano ay ipakita sa buong mundo ang mga magagaling na talents ng mga Filipino para na rin sa pagsusulong ng turismo.
- Latest