MANILA, Philippines — Inilinaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung bakit niya ginawang undersecretary ng Department of Health si dating police chief Camilo Cascolan — bagay na binabatikos lalo na't hindi naman siya naging healthcare worker.
Linggo lang nang kumpirmahin ng kagawaran ang pagkakatalaga ng dating pinuno ng Philippine National Police (PNP) sa pwesto, bagay na laman ng appointment letter na may petsang ika-19 ng Oktubre.
Related Stories
"Si Gen. Cascolan, we put him there because he has to look at, hindi naman siya, of course he's not a doctor," wika ni Bongbong sa isang press briefing, Miyerkules.
"It's not health issues that he has to look at. That's why he doesn't have to be a doctor. He's going to look at the function of DOH."
Hindi kilala si Cascolan bilang doktor, nurse, dentista o ano pa. Gayunpaman, siya ang isa sa mga utak ng Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel — ang madugong kampanya kontra-drogang pumatay sa higit 6,252.
Una nang kinastigo ng Alliance of Health Workers, Karapatan, atbp. progresibong grupo ang pagkakatalaga ni Cascolan sa posisyon, lalo na't mas mas marami pa raw na karapatdapat sa posisyon. Nakakadismaya rin daw lalo na't dalubhasa raw ang nabanggit sa extrajudicial killings at hindi sa kalusugan.
Sa kabila nito, sinabi ni Cascolan na mapapakinabangan naman ng DOH ang husay niya sa emergency response, management at network. Ang dating hepe ng PNP ay merong master's degree sa public administration sa Unibersidad ng Pilipinas-Visayas.
"We talk about rightsizing, we talk about structural changes [when it comes to Cascolan]," dagdag pa ni Marcos.
"We need somebody to examine what has been going on: ano 'yung maganda, ano 'yung hindi maganda, ano 'yung pwedeng mas maayos. That will be his function. Kaya special concerns."
Ginagawa ito ni Marcos kahit nabatikos na noon si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa paglalagay ng mga militar at heneral sa pamunuan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ayon tuloy sa ilang grupo, tila ipinagpapatuloy lang ni Bongbong ang militaristang approach pagdating sa mga problemang may kinalaman sa public health.
Ang lahat ng ito ay nangyayari habang wala pa ring pormal secretary ang DOH. Kasalukuyang officer-in-charge pa rin ng kagawaran si Maria Rosario Vergeire.