Ex-PNP chief dinepensahan appointment sa DOH, ibinida 'management' skills

Kuha sa tarangkahan ng opisina ng DOH

MANILA, Philippines — Bumwelta ang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Camilo Cascolan sa mga bumabatikos matapos maitalaga sa isa sa pinakamatataas na posisyon ng Department of Health (DOH), ito kahit walang karanasan bilang healthcare professional.

Linggo lang nang kumpirmahin ng DOH na in-appoint si Cascolan bilang undersecretary ng kagawaran, bagay na may basbas ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.

"My expertise on emergency response and my network and experience play a great role in bringing health closer to the people," sabi ng retiradong pulis, Lunes, sa panayam ng GMA News Online.

"In many conflict areas, health is what brings people together."

Kahapon lang nang kastiguhin ng Alliance of Health Workers ang desisyon ni Bongbong na gawing DOH undersecretary si Cascolan lalo na't health experts daw ang pinakakwalipikadong ilagay sa posisyon.

Bago bigyan ng posisyon sa DOH, kilalang utak ng madugong Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel si Cascolan, na siyang pumatay sa mahigit 6,000 suspek kaugnay ng droga. Ang ilan sa mga nasawi, sinasabing hindi nabigyan ng due process.

Dagdag pa ng AHW, eksperto sa pagsugpo ng nakamamatay na sakit ang kailangan bilang undersecretary ng DOh at hindi "expert sa paglabag sa karapatang tao at extrajudicial killings."

"Being a devolved service (health devolution), my experience on the ground and working with LGUs is also a factor that can bring the department closer to the people," sabi pa ni Cascolan.

Kilalang merong master's degree si Cascolan sa public administration mula sa Unibersidad ng Pilipinas-Visayas.

Hindi kailangang doktor?

Ipinagtanggol naman ni Sen. Ronald "Bato" dela Rosa ang kapwa dating PNP chief, lalo na't hindi naman daw kailangan na naging medical practitioner ang magpapatakbo sa kagawan.

"'Di naman kailangang doktor kung mag-manage ng isang organisasyon. Pagdating sa management, 'di rin makukwestyon ang kanyang abilidad," sabi ni Dela Rosa, na kontrobersyal din sa kamay niya sa war on drugs noong siya pa ang hepe ng pulisya.

"'Di naman siya pumasok diyan para magpagaling ng pasyente. Pumasok siya diyan para mag-manage ng ahensya."

Dahil dito, wala raw siyang nakikitang problema sa bagong trabaho ng kabaro.

"'Pag ba DOH, dapat manggagamot ka ng sakit? Management naman siguro ang kailangan sa kanya diyan," patuloy niya.

'Krisis lalala sa kawalan ng DOH secretary'

Inirehistro naman ng Gabriela Women's Party ang panibagong maniobra ni Bongbong, lalo na't hindi raw solusyong pangkalusugan ang dadalhin nito.

"If symptoms persist... consult the police? We've had enough of militaristic solutions to problems that require expertise, especially when it comes to health," ayon sa grupo, bagay na paghahalintulad sa pagtatalaga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga militar sa IATF sa gitna ng COVID-19 pandemic.

"It seems that Marcos Jr. is geared towards continuing the same militarist trajectory laid down by ex-Pres. Duterte."

Ayon naman sa grupong Agham, ang patuloy na kawalan ng secretary ng DOH at Department of Agriculture ay lalo pang magdudulot ng mas malalang COVID-19 infections at pagmamahal ng pagkain.

Itinalaga si Cascolan sa Kagawaran ng Kalusugan habang wala pa ring DOH secretary at agriculture secretary magpahanggang sa ngayon.

Nananatili pa ring DOH officer-in-charge ang pwestong hawak-hawak ngayon ni Maria Rosario Vergeire. — may mga ulat mula sa News5

Show comments