BuCor chief suspendido matapos mamatay 'middleman' sa Lapid killing
MANILA, Philippines — Pinatawan ng 90-araw na "suspension" ang director general ng Bureau of Corrections na si Gerald Bantag matapos mamatay sa loob ng New Bilibid Prison ang presong si Jun Villamor, na "kasabwat" daw sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
Huwebes lang nang sabihin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na namatay ang naturang "middleman" noong ika-18 ng Oktubre — kaparehong araw ng pagharap sa publiko ng sumukong "gunman" na si Joel Salve Escorial.
"[President Ferdinand Marcos Jr.] asked me to preventively suspend Undersecretary Director General Bantag of the BuCor so there may be a fair, impartial investigation on the matter," ani Remulla sa isang press briefing, Biyernes.
"So that all doubt should be put to rest, that there are no sacred cows in this administration."
Kaugnay nito, itinalaga si Gregorio Catapang Jr., dating chief of staff ng Armed Forces of the Philippines, bilang officer-in-charge ng BuCor sa ngayon.
Una nang sinabi ni Escorial na galing sa loob ng Bilibid ang mga utos na patayin si Lapid (Percival Mabasa sa totoong buhay), kapalit ng P550,000 na siyang pinaghati-hatian daw nila ng mga kasabwat. Tinitignan ngayon ng DOJ kung pwedeng isama sa witness protection program ang sumukong suspek.
Si Lapid ay isang komentarista sa radyo na kilalang kritiko ng administrasyon nina Pangulong Marcos Jr. at dating Pangulong Rodrigo Duterte.
"Indefinite 'yan siyempre ['yung suspension]. We cannot have a definite preventive suspension," ani Remulla, habang tinitiyak na tinanggap nang maayos ni Bantag ang suspensyon.
"As long as the investigation is there, as long as there are findings, let's put the matters to rest."
Sa kabila niyan, inilinaw ni DOJ spokesperson Mico Clavano na 90-araw lang ang naturang suspensyon. Sa kabila nito, maaari raw itong palawigin pa sa pamamagitan ng "renewal."
Patay sa 'natural causes' o may foul play?
Kanina lang nang sabihin ni BuCor spokesperson Gabriel Chaclag na bandang 1:30 p.m. nang dalhin ng "bantay kalusugan" si Villamor sa NBP hospital matapos mawalan ng malay.
"Medical management (Cardio pulmonary resuscitation) was done by the hospital but at about 2PM of the same date, PDL Villamor was pronounced dead by the medical officer on duty," ani Chaclag kanina.
"But as per BuCor Health Service, initial findings showed no signs of physical external injuries which probably indicates a natural cause of death or no signs of foul play."
Sa kabila nito, inaantay pa raw nila ang pinal na autopsy result kasama ang isang toxicology test. Ang naturang test ay isasagawa ngayong araw at kukumpleto sa autopsy.
Kasalukuyang nakalagak naman daw ang bangkay ng PDL sa eastern funeral service, Alabang kung saan ikinakasa ng National Bureau of Investigation medico-legal team ang autopsy.
"Ito’y nagpapatunay na mayroong malawakang sabwatan na nangyayari dito sa pagpatay sa aking kapatid," sabi ni Roy Mabasa, kapatid ni Lapid, sa panayam ng GMA News.
"Magiging stumbling block ito du’n sa pag-usad ng kaso. Saan na aabot ‘yung kaso kung walang middleman na magtuturo du’n sa mastermind?"
Isa pang middleman pinangalanan
Bagama't patay na raw si Villamor, buhay pa naman daw ang isa pang "middleman" sa pagpatay kay Lapid. Pinangalanan ang nabanggit bilang si Christopher Bacoto.
Ayon sa briefer ng DOJ kahapon, kinausap daw ni Bacoto ang mga kasamahan ni Escorial para tulungan siyang patayin si Mabasa.
Sinasabing nasa kustodiya na ng mga pulis si Bacodo.
- Latest