MANILA, Philippines — Isa na namang bagyo ang posibleng pumasok ng Philippine Area of Responsibility ngayong araw, matapos tuluyang humina ng noo'y bagyong "Maymay" na naging low pressure area na lamang.
Bandang 3 a.m. nang namataan ang sentro nito sa layong 1,765 kilometro silangan ng Hilagang Luzon, ayon sa huling taya ng PAGASA, Huwebes.
- Lakas ng hangin: 45 kilometro kada oras malapit sa gitna
- Bugso ng hangin: hanggang 55 kilometro kada oras
- Direksyon: pakanluran hilagangkanluran
- Pagkilos: 15 kilometro kada oras
"Meron pa tayong mino-monitor na tropical depression at ito ang ating mas babantayan," ani Benison Estareja, weather specialist ng PAGASA, kaninang umaga.
"Ngayong araw kasi, posibleng pumasok na ito ng ating [Philippine] area of responsibility... At maaaring pumasok either ngayong umaga or tanghali."
Inaasahan pang lalakas ang naturang bagyo habang lumalapit sa kalupaan ng Pilipinas at nasa loob ng mainit na parte ng Philippine Sea.
"Kung saka-sakali po ay papangalanan natin itong bagyo na si Neneng or 'yung pang-14 na bagyo ngayong 2022, pangalawa naman ngayong October," dagdag pa ni Estareja.
'Maymay' LPA na lang
Kahit na naging LPA na lamang ang dating bagyong "Maymay," patuloy pa rin naman ang banta ng mga pag-ulan.
Ngayong araw hanggang bukas ng umaga, tinatayang magkakaroon ng mga katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan na may minsanang matitinding pagbuhos sa Cagayan, Isabela at Apayao.
Samantala, mahihina hanggang katamtaman na may minsanang pag-ulan naman ang matitikman ng nalalabing bahagi ng Cagayan Valle at Cordillera Administrative Region, ayon sa state weather bureau.
Maaaring makaramdaman pa rin ng mga minsanang bugso na aabot sa strong to gale-force strength na mga hangin dulot ng pinalakas na northeasterly surface windflow na maaaring maranasan sa Batanes, Cagayan, CAR at Ilocos Region.
Tinatayang tutumbukin ng naturang LPA ang probinsya ng Aurora. Pero dahil sa frictional effects, maaaring malusaw na lang ito sa loob ng 12 oras.